Tin Madlangbayan
Nakausap ko yung pinsan kong naghahanapbuhay sa labas ng Pilipinas mula pa noong 2008. Nagsimula siyang maghanap ng ikabubuhay sa Middle East. Mahirap, malayo, mainit, nakapaninibago… pero siya yung tipo ng kuya na gagawin ang lahat matustusan lang ang kanyang ina at mga kapatid. Ngayon, magdadalawang dekada na ang nakalilipas, mayroon na rin siyang asawa’t anak, ngunit siya’y nasa ibang bansa pa rin – balik sa kabilang dako ng pinagmulan: dito sa Asya. Masasabi nating napalapit siya muli sa bayang sinilangan, pero hadlang pa rin ang distansya at pandemya upang makasama niya ang kanyang pamilya.
Bukod pa sa pagkakawalay sa pamilya at seguridad sa pang-araw araw na buhay, sabi niya talagang malaking problema nila ang pagtaas ng remittances sa bawat indibidwal, dulot ito ng napakaraming apektado at natanggal sa trabaho ngayong panahon ng pandemya. Hindi rin biro ang pagtaas ng remittances na ibinabawas sa kinikita nila, tumataginting na 20% hanggang 30% ng kanilang kabuuang sahod ang napupunta rito.
Ayon sa pinakahuling datos ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), mahigit kumulang 10% ng lakas-paggawa ng buong Pilipinas ang maituturing na overseas Filipino workers o OFWs. Ibig sabihin, mahigit kumulang sampung porsyento ng 43,826 na Pilipino ang batbat ng isyu at problemang ito sa pang-araw-araw nilang buhay. Marami sa kanila ang matagal nang hindi makauwi-uwi sa Pilipinas dahil sa takot na mawalan ng trabaho – dagdag pa rito ang laki ng mga gastusing kahaharapin sa pagbalik ng bansa. Lalo ngayon, paano ka naman uuwi kung sa pag-uwi at pagbalik mo ay may mahabang quarantine na katumbas ng isang buwanang suweldo?
Patindi nang patindi ang krisis na kanilang pinagdadaanan: mula sa pagkahiwalay sa pamilya, kalagayan bilang manggagawa sa ibayong dagat, sa matataas na mandatory fees, sa compounded interest sa mga baon sa pagkakautang, hanggang sa pagkakait ng halaga sa kanilang ambag sa ekonomiya – o sa porma ng kanilang bilyun-bilyong remittances taon-taon.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), tumaas ang remittances ng OFWs nitong taon kumpara noong 2020. Ngunit, kasama ang Pilipinas sa tinatawag na “grey list” ng Financial Action Task Force (FATF). Ito ay may negatibong epekto sa daloy ng kapital ng bansa, kasama na ang remittances. Ang pagkakasama ng Pilipinas sa nabanggit na listahan ay katumbas ng mas matataas na transaction fees para sa remittances at pagkaantala ng pagpasok ng remittances dahil sa mas mahigpit na pagsisiyasat. Ito rin ay malaking balakid para maka-utang ang bansa, para sa kalakalan, at para sa daloy ng pamumuhunan.
Ang mahalagang tanong ngayong eleksyon: Buo ba ang kalooban ng susunod na administrasyon upang makumpleto ang mga reporma na magpapatibay ng mga batas ukol sa pananalapi? Magiging prayoridad din ba ng maibobotong Presidente ang pagpapasa ng iba pang mga panukala upang kontrahin at labanan ang money laundering at tax evasion?
Sa paniniwalang hindi niya maihahatid ang reporma, karampatang ikinatatakot ng mga namumuhunan, nagpapautang, at mga institusyong pinansyal ang posibilidad na pamumuno ng tumatakbong si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Hindi hinugot sa hangin ang pagkabalisang ito sapagkat kasaysayan na ang nagtala ng hindi niya paghahain ng pagbabalik ng buwis, pag-iwas at hindi pagbabayad ng buwis, at pangungulimbat ng kaban ng bayan hindi lamang niya, kundi ng buong angkan ng pamilyang Marcos. Dagdag pa rito, kumikinang ang kawalan ng maayos na programang pang-ekonomiya sa kanyang mga plataporma.
Malayong-malayo sa panghihikayat ang mga plano ni Marcos Jr. Ani ng Capital Economics na nakabase sa UK, malabong bumuti ang sitwasyon ng Pilipinas sa ilalim ni Marcos Jr. at ang katotohanan ay lalo pa itong lalala. Ayon din sa Pantheon Macroeconomics, isa pang nakabase sa UK, ang maaaring pagwawagi ni Marcos Jr. sa eleksyon ngayong 2022 ay nagdadala ng malaki at napakatinding panganib. Tinitignan din ng Nomura Global Research si Marcos Jr. na hilaw sa karanasang pambansang pulitika, kalaban ng merkado, at kulang sa disiplina, lalo sa usapin ng pera. Inilahad naman sa ulat ng Fitch Solutions Country Risk and Industry Research na ang pamumuno ni Marcos Jr. ay naglalagay ng panganib ng mas malupit pang awtoritaryanismo.
Ngayon pa lamang, hindi na mailabas ni Marcos Jr. sa kanyang kandidatura ang kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN). Paano pa aasahang mapagkakatiwalaan siya ng bayan tungkol sa usaping pinansyal para sa bawat mamamayang Pilipino?
Sa katunayan, nahatulan si Marcos Jr. ng kasong tax evasion, partikular sa hindi niya pagbabayad ng buwis sa loob ng tatlong taon, mula noong taong 1982 hanggang 1985.
Noong buwan ng Oktubre taong 2012 din, naghatol ang US Court of Appeals for the Ninth Circuit ng contempt laban kay Marcos Jr. at sa kanyang inang si Imelda, bilang mga tagapagmana ng mga ari-arian ni Ferdinand E. Marcos. Ito ay kaagapay ng class action lawsuit dahil sa paglabag sa karapatang pantao ng diktador na si Marcos. Lumabag pa nga sa hatol ng korte sina Marcos Jr. at Imelda na nagbabawal sa kanilang galawin, sa kahit na papaanong paraan, ang mga ari-arian ng yumaong si Marcos. Ang kaparusahan sa kanila ng korte ay pumapatak sa halagang $353.6 milyon – na tinanggihan pa rin nilang bayaran. Naglabas pa ng warrant ang korte upang pilitin ang pamilyang Marcos na magpakita at sundin ang inilatag na desisyon ng hukom.
Pinasiyahan din ang Korte Suprema ng Switzerland na ang mga kayamanan ng Marcos na nakatago sa kanilang mga bangko ay pawang kriminal na pagmamay-ari. Alinsunod sa utos ng Korte Supremang ito, inilipat ng gobyerno ng Switzerland sa Pilipinas ang naghahalagang $627 milyon na isinoli mula sa ninakaw ng pamilyang Marcos noong 1998.
Iisang malinaw na kongklusyon ang tinutungo ng mga ito: Si Marcos Jr. at kanyang buong pamilya, ang buong Marcos, ay wala ni katiting na kakayahan o kagustuhang ilahad ang kanilang tunay na mga ari-arian at buwis. Bilang siya mismo ang nangungunang tagapamandila ng money laundering at tax evasion, walang kredibilidad si Marcos Jr. upang tugisin ang mga iligal na gawaing ito. Sa ganitong kalagayan, hindi ipapatupad ni Marcos Jr. ang mga repormang nararapat sa bansang Pilipinas upang matanggal mula sa listahan na FATF na negatibong nakaaapekto sa remittances ng mga migranteng manggagawa.
Sa ilalim ng pamumuno ni Marcos Jr., siguradong manunumbalik sa kahinaan ang mga batas para labanan ang mga krimeng pinansyal, para patuloy na maitabi at maitago ng mga Marcos ang kanilang mga nakaw na yaman – mga nakaw na yaman na hindi pa rin ganap na nababawi ng gobyerno limampu’t taon na ang nakalilipas matapos ang Martial Law.
Mas malaki rin ang posibilidad na mapasama ang Pilipinas sa “black-list” ng FATF sa pagkakataong mangyari ito. Katuwang nito, mapipilitan na ang buong mundo na umaksyon laban sa Pilipinas. Ang mga “blacklisted” na bansa ay sumasailalim sa mas mahihigpit at kakila-kilabot na hakbangin at parusang pang-ekonomiya. Nagreresulta ito sa kawalan ng pamumuhunan, mga utang na may kakabit na higit pang mas matataas na interes bukod sa kasalukuyan, at paglalansag, pagkagambala, o pagkaputol ng kalakalan.
Tiyak na magigipit at mahihirapan ang mga OFWs sa pagkaantala ng remittances dahil sa maaaring ipatupad na mas mahigpit at mas mabagsik na mga hakbang. Ang matindi pa rito, siguradong ang gastos sa paggawa ng remittances ay lalo pa ngang tataas. Sino pa ang magnanais na umuwi sa ganitong kalagayan? Tunay na malalagot ang remittances at ang ating mga bagong bayani ng panahon ang maiipit sa pagkapanalo ni Marcos Jr.
Masasabi kong nakikita ng pinsan ko ang bigat ng epekto nitong posibleng pagkapresidente ni Marcos Jr. sa buhay nilang mga kababayan nating OFWs. Mula sa pagiging dating tagahanga ng kasalukuyang administrasyong Duterte pati na rin ng kanyang anak na kasama ni Marcos Jr. sa pagtakbo, siya ngayon ay sumusuporta sa lahat ng nagawa at maaari pang magawa ng ating bise presidente. Kaya babala at paalala: bumoto nang tama, bumoto sa mag-aangat ng buhay ng lahat.
About the author: Tin Madlangbayan is a researcher of Action for Economic Reforms and an advocate of the rights of women, LGBTQIA+, children, and migrant workers.