Ang problema ay ni wala man lamang babala. Hindi parehas. Hindi rin makatao. Bigla na lamang sumusupot nang hindi inaasahan.
Minsan, ikaw ay isang masigla at malusog na atletang humahabol sa bola na gumugulong sa isang madamong bukirin. Kayang kumarera sa 4×4 relay. Sumunod, ni hindi ka makakilos.
Huli kong nakausap sa telepono si Florencio Perez, aka Zaldy, beteranong bradcaster, kolumnista, sportswriter, may ilang buwan na ang nakararaan. Maaga pa roon, natawagan ko rin si Zaldy para kumustahin. Alam ko nang may sakit na cancer na siya noon.
Noong Lunes ng umaga nang nakaraang linggo, nakatanggap ako ng tawag mula sa aking inaanak na si Rey Lachica, sports editor ng pahayagang TEMPO at pangulo ng Phlippine Sportswriters Association (PSA) na naghatid ng masamang balita. Iniwan na raw kami ni Zaldy! Pumanaw na si Flor!
Noong una’y ayaw kong paniwalaan ang ibinalita ni Rey. Paano mangyayari yun, wika ko pa, eh kausap ko si Zaldy kamakailan lang at siniguro niya sa akin na mabuti na ang lagay niya at nagre-respomde naman ang katawan niya sa chemo therapy na pinagdadaanan niya.
Sinusunod daw niya ang payo ko na magdasal araw-araw kay Mama Mary at Santo Padre Pio ng Pietrelcina at pakikinggan siya ng mga ito.
Si Brading (as in Brod) Zaldy ay mas bata sa akin nang kunin siya ng Lumalang sa kanya sa edad na 65. Sa Agosto nitong taong ito ay tutuntong na ako sa aking ika-83 taong pamamalagi sa mundong ito, kung kaya nga’t ako ang itinuturing na lider ng grupo sa PSA at SCOOP (Sports Communicators Organization of the Philippines) na kung tawagin ay “Eddie’s Angels.”
Solid (pasintabi sa Solid North ni dating Senador Bongbong Marcos) ang grupong ito. dahilan kung bakit mula nang mahalal na secretary ng PSA mula noong 1981 ay siyam na taong sunod na hinawakan ko ang nasabing posisyon.
Si Brading Zaldy ay nakilala bilang isa sa nagbunsod ng panghapong news broadcasting sa telebisyon at radyo. Sa kabila ng pagkakilala sa kanya bilang broadcaster, siya, ayon na rin sa kanya, ay, una sa lahat, ay isang sportswriter ng baseball, boksing at basketball.
Siya na sinasabing may malagong na boses ay dinala ang pangalang Flor Zaldy Perez sa mga kolum na pinamagatang ‘UPPERCUT’ at ‘LAYKDATAN’ na kanyang sinulat mga pahayagang tabloid ng BALITA. TEMPO at kalaunan DAILY GLOBE at ABANTE.
Ang kanhyang signature baritone voice ay nagsilbing pasaporte sa paglipat niya pagsusulat at broadcasting at maging sa pagkanta ng mga awitin ni Louie Armstrong at pagiging anchor ng panghapong ‘Balitang Ala-Una’ sa PTV-4 kung saan nakasama niya sina Daniel Razon, Louella De Cordova, Katherine De Leon-Villar, at Ruth Abao.
Si Brading Zaldy ay nahirang para sa Best Male Newscaster ng PMPC Star Awards For Television sa nasabing news program.
Sa mahabang panahong ipinaglingkod niya sa PTV-4 nagsilbi rin si Zaldy bilang segment writer at anchor ng television coverages ng paglahok ng bansa sa Southeast Asian Games, Asian Games, at the Olympics.
Matapos maglingkod sa PTV-4, lumipat si Zaldy sa UNTV bilang anchor UNTV News and Rescue.
Naulila ni Brading ang kanyang butihing maybahay na si Annie, anak na si Baste, apong si Alon, ina, mga kapatid at iba pang kamag-anak.
Inilagak ang katawan ni Aaldy sa huling hantungan nito noong Huwebes sa Libingan ng Morong, Bataan.