VICTORIA – Mahigit sa 100 na mga tao at organisasyon ang nominado para sa B.C. Multiculturalism and Anti-Racism Awards sa taóng ito para sa kanilang mga pagpupunyagi sa paglaban sa rasismo at pagpapalakas ng diversity.
“Ang mga karangalan sa araw na ito ay kumikilala sa mga anti-racism champions mula sa buong province,” sabi ni Premier John Horgan. “Sa pamamagitan ng kanilang mga aksyon upang lansagin ang systemic barriers at magtatag ng mas inklusibong mga komunidad, nakikita natin ang ibig sabihin ng pagtatag ng isang mas malakas na province para sa lahat. Bilang mga lider ng komunidad, ang mga recipients na ito ay nagbibigay-halimbawa ng pinakamabuti sa British Columbia at pinasasalamatan ko sila para sa kanilang natatanging gawain.”
Ang B.C. Multiculturalism and Anti-Racism Awards ay ginaganap taun-taon upang parangalan ang British Columbians para sa kanilang pamumuno sa pagtataguyod ng multiculturalism at pagtugon sa rasismo. Ang seremonya para sa 2022 ay naganap nang virtual.
“Nais kong kilalanin ang matindi at walang-bayad na trabaho na ginagampanan ng Black, Indigenous, at racialized British Columbians sa paglaban para sa sistemikong pagbabago. Salamat sa inyong katapangan, silakbo ng damdamin, at pagpupursigi,” sabi ni Rachna Singh, ang Parliamentary Secretary for Anti-Racism Initiatives. “Ako ay nagpapasalamat sa lahat ng mga nominado para sa kanilang mga pagpupunyagi sa taóng ito, at sa lahat ng mga organisasyon, indibidwal, at volunteer sa buong B.C. na nagpapalakas sa ating mga komunidad sa pamamagitan ng paghamon sa status quo, pagtataguyod sa mga biktima ng kapootan, at paglaban sa white supremacy.”
Ang virtual awards ceremony ay ginanap noong Lunes, Marso 21, 2022, para sa International Dayfor the Elimination of Racial Discrimination (Pandaigdigang Araw para sa Pagtanggal ng Diskriminasyon Dahil sa Lahi), kung saan binigyang-karangalan ni Singh ang mga kontribusyon ng limang award recipients sa tatlong kategorya:
Breaking Barriers Awards, nagpaparangal sa natatanging gawain sa pagharap sa rasismong systemiko o institusyonal at pagbabawas sa mga hadlang para sa mga marginalized na komunidad:
- Aimee Chalifoux (Nanaimo)
- Kamloops African Society (Kamloops)
Intercultural Trust Awards, nagpaparangal sa natatanging gawain sa pagtatag ng intercultural trust at pag-unawa at/o pagbawas sa rasismo at kapootan ng mga komunidad sa isa’t-isa:
- Imtiaz Popat (Vancouver)
- Stand With Asians Coalition (Burnaby)
Emerging Leader Award, nagpaparangal sa kabataan at young adults na 15-30 taong-gulang para sa natatanging gawain sa pagtatag ng intercultural trust (pagtitiwala ng mga tao mula sa magkakaibang kultura), paglaban sa rasismo, o pagbawas ng mga hadlang para sa mga marginalized na komunidad:
- Dr. Rahel Zewude (Vancouver) Ang tumanggap ng Emerging Leader Award ay magkakamit din ng $5,000 grant na ipagkakaloob sa isang organisasyon na kanilang pipiliin. Sa taóng ito, ang grant ay pupunta sa Black Physicians of British Columbia.
“Paulit-ulit na nakikita natin ang lakas ng mga táong nagsasama-sama upang i-angat ang isa’tisa, at magtrabaho tungo sa makabuluhang pagbabago,” sabi ni David Eby, ang Attorney General. “Napakadalas na ‘di-nabibigyang-pansin ang pagpupunyaging ito. Sa araw na ito, kikilalanin natin ang kanilang patuloy na advocacy, inspirasyonal na pamumuno, at suporta para sa mga marginalized na komunidad, habang ang mga organisasyon at indibidwal na ito ay nagsusumikap na magtatag ng mas makatarungan at pantay-pantay na province kung saan maaaring maabot ng bawat isa sa atin ang ating full potential.”
Simula nang ito’y nailunsad noong 2008, ang B.C. Multiculturalism and Anti-Racism Awards ay nagbigay parangal na sa mahigit sa 40 na mga indibidwal at organisasyon, kabilang na si Boma Brown, ang tagapagtatag ng Support Network for Indigenous Women and Women of Colour, at Spice Radio para sa pag-oorganisa ng taunang kampanyang Raise Your Hands Against Racism. (BC Gov News)