VICTORIA – Ipapasabatas na sa B.C. ang National Day for Truth and Reconciliation upang gunitain ang
lakas at katatagan ng mga residential school survivor at gunitain ang mga batang hindi na nakabalik
sa kanilang mga tahanan.
Tinutugunan ng bagong pampublikong araw ng paggunita ng probinsiya ang Call to Action #80 ng
Truth and Reconciliation Commission, na nanawagan sa pederal na pamahalaan na magtaguyod ng
isang holiday upang magbigay galang sa mga survivor, kanilang mga pamilya at mga komunidad. Kung
naipasa ito, makakasama ng British Columbia ang Canada, Prince Edward Island, Northwest
Territories, Nunavut at Yukon bilang mga hurisdiksiyong itinalaga ang Setyembre 30 bilang isang
pampubliko o statutory holiday.
“Balang araw, wala nang matitirang survivor sa Canada. Ang mga nakakalimutan ay kalaunang
nauulit,” sabi ni Phyllis Webstad ng Orange Shirt Day Society. “Sa pamamagitan ng pagpapasa ng
lehislasyon ng pederal na pamahalaan para gawing National Day for Truth and Reconciliation ang
Setyembre 30 na Orange Shirt Day, at ang pag-anunsiyo ng Probinsiyal na Pamahalaan ng B.C. sa
lehislasyong ito ngayong araw, makakatulong ito upang matiyak na ang mga nangyari sa amin ay
hindi na muling mauulit at hindi makakalimutan.”
Kung naipasa ito, mas maraming British Columbians ang makakasali sa pagtataguyod ng
rekonsilyasyon sa pamamagitan ng pagdalo sa mga lokal na event para sa komemorasyon at
edukasyon, paglahok sa mga mahalagang talakayan sa kasama ang kanilang mga pamilya, kaibigan at
kanilang mga komunidad, at paghahanap ng mga makabuluhang paraan upang mas matuto tungkol
sa ating magkabahaging kasaysayan.
“Maraming British Columbians sa mga nakaraang taon ang nagmamarka sa Orange Shirt Day nang
mapagkumbaba, may galang at nagninilay-nilay sa kanilang sariling paraan,” sabi ni Premier David
Eby. “Ngayong araw, nagsasagawa tayo ng mahalagang hakbang upang isabatas ang araw na ito
upang kilalanin ang mga pagkakamali sa ating nakaraan, at upang magsagawa ng makabuluhang
aksiyon tungo sa rekonsilyasyon.”
“Ito ay isang mahalagang hakbang sa ating komitment upang magkaroon ng pangmatagalang
rekonsilyasyon kasama ang Indigenous Peoples sa B.C.,” sabi ni Harry Bains, Minister of Labour. “Ang
pagkakaroon ng probinsiyal na pampubliko o statutory holiday ay nangahulugang mas maraming
manggagawa sa buong province ang makakapaggunita ng National Day for Truth and Reconciliation,
at masasamahan ang mga nagtatrabaho sa pampublikong sektor at mga trabahong nire-regulate ng
pederal na pamahalaan na nagkaroon na ng oportunidad na ito.”
Humingi ng feedback mula sa Indigenous Peoples ang Ministry of Indigenous Relations and
Reconciliation tungkol sa kung paano gunitain ang araw na ito sa B.C. at nagkaroon din ng
konsultasyon ang Ministry of Labour sa mga employer at mga manggagawa.
“Ilang dekada nang nananawagan sa mga pamahalaan ang mga Indigenous na pinuno upang
pampublikong kilalanin ang mga pinsalang naidulot ng mga residential school, Indian Day School at
Indian hospital, at pati na rin ng Sixties Scoop,” sabi ni Murray Rankin, Minister of Indigenous
relations and Reconciliation. “Ang araw na ito ay tungkol sa paglalaan ng oras upang pagnilayan ang
mga naging karanasan ng mga residential school survivors at kanilang mga pamilya, habang
natututunan natin at kinikilala ang katatagan, pagiging matibay, at mga kontribusyon ng mga
Indigenous na komunidad sa ating province.”
Makipag-connect sa Province of B.C. sa: http://news.gov.bc.ca/connect