Kinakaharap natin ang hindi tama at hindi makatwiran na mandatory membership sa PhilHealth at ang mandatory na koleksyon ng premium nito. Wala kang ligtas dito, kahit na sino pa ang binoto mo sa nakaraang eleksyon o sino man ang kinampanya mo. Basta Philippine passport holder ka, kasali ka.
Nang unang binaba ang batas sa PhilHealth nitong nakaraang mga buwan, umurong ang gobyerno sa tindi ng galit ng migranteng manggagawa at mga migranteng organisasyon. Ang petisyon na unang kumalat sa panahong ito ay pinirmahan ng 462,000 na kababayan natin sa iba’t ibang dako sa mundo. Nag-rali sa online, nag-kalampagan, kahit na may COVID-19 na siyang matindi ang hagupit sa mga OFW. Pero inurong lamang at ibinabalik muli ng gobyerno. Akala yata, nakalimutan na natin! Nagkamali ang gobyernong Duterte.
Ang Migrante Canada at lahat ng kasaping organisasyon nito ay nananawagan ng SCRAP at HINDI SUSPENSION ng Mandatory PhilHealth Coverage at Premium Increase!
- Sino ang sakop nito? Lahat ng mga Pilipino, kasama ang mga Pinoy na OFW, mga seafarer, mga migranteng Pinoy tulad ng mga permanent resident dito sa Canada, mga dual citizen, mga Pinoy na maaring in distress, mga estudyanteng nag-aaral dito, mga domestic worker, temporary foreign worker — basta Philippine passport holder ka, kasama ka.
- Magkano ang mandatory na bayaran? Ang mandatory na premium ay 3% batay sa buwanang kita mo. Para maging klaro, nagbigay ng kongkretong halaga si Sol Pajadura ng Migrante Canada sa bayaring ito at ayon sa kaniya, kung ang minimum na buwanang kita mo, halimbawa, ay naghahalaga ng CAD$806.40, ito ay katumbas ng PHP 29,000 pesos sa isang taon. Tataas ito ng kalahating porsiyento sa bawat taon hanggang maabot sa 5% sa 2024-2025. Ang bayarin na may 5% premium increase ay aabot ng CAD$1,344 o PHP 48,384 sa taong 2024-2025.
Dagdag ni Sol: “Napakabigat na halaga ito para sa mga mangagawang Pilipino. Halos katumbas na ito ng isang plane ticket pauwi sa Pilipinas. Sa katotohanan, karamihan ng mga kababayan natin ang hindi basta-basta makaka-uwi ng Pilipinas para mabisita man lamang ang kanilang pamilya na matagal na nilang hindi nakikita dahil sa sobrang taas ng pamasahe.”
- Ang OFWs daw ay “direct contributors”. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin, ang mga OFW na tinatratong “direct contributors” ay kailangang bayaran ang share o parte ng employer at employee. Kaya ang employer mo ay kailangang magbayad ng kanilang counterpart na kontribusyon sa bawat Pilipino na empleyado nila.
- Paano kung di ako makabayad? Kung ikaw ay di makabayad sa takdang araw ng bayad, di ka makakatakas dito. Kailangang bayaran ang lahat ng utang mo kasama ang compounded na interes na 1.5%.
- Maapektuhan ba ang aking OEC? Dahil ang regular na kontribusyon sa PhilHealth ay bahagi ng mga requirement para sa OEC o Overseas Employment Certificate, kapag hindi ka nagbayad, wala kang OEC.
- May insurance na at health coverage ang mga estudyante, caregiver, TFW sa Canada, so pwede na kaming hindi kasali? Tama ka, sakop na kayo ng mga insurance at healthcare program tulad ng MSP dito sa BC. Pero kasali ka pa rin kasi Pilipino ka at kailangang magbayad ka pa rin kahit na hindi mo kailangan ang PhilHealth sa Canada. At sa tinagal mo sa Canada, kinailangan mo ba o hinanap mo ang PhilHealth noong ikaw ay nagkasakit o naospital?
- Dual Citizen ka? Apektado ka pa rin. Bagamat hindi pa malinaw sa mga memo ng PhilHealth kung paano patutuparin ang mandatory coverage at premium increase sa mga Pilipinong National sa ibang bansa.
- Paano ang mga undocumented na Pilipino sa ibang bansa? Maraming mga undocumented na kababayan natin na may mga transaction sa mga embahada sa lugar nila tulad ng pagproseso ng pasaporte. Malamang na sa mga transaction na ito ay singilin sila ng PhilHealth premium. Pero tiyak, apektado pa rin sila.
- Tinanong ba kami bilang OFW at overseas Pilipino? Hindi. Walang konsultasyon sa mga organisasyong migrante at mga overseas na Pilipino tungkol rito. Pero mabilis ang gobyerno sa paglikha ng batas na mandatory ang membership sa PhilHealth para sa lahat ng overseas na Pilipino. Magkakamot ka ng ulo sa sitwasyon na awtomatik ang pagiging miyembro ng PhilHealth pero wala ka namang pinipirmahan na membership form. Ang awtomatikong membership kasi ang magiging daan para makuha sa iyo ang 3% sa buwanang sahod.
- Paano lalabanan ito? Kung sama-sama tayo sa pagkilos, malalabanan natin ito. Mga bayani nga ang bansag sa OFW, modern-day heroes, di ba? Kaya dapat palaban tayo. Hanapin ang Migrante sa inyong lugar, pumirma sa bagong petisyon, huwag mahiyang sabihin na di ninyo kaya itong mandatory coverage at premium. Huwag matakot na labanan ito. Karapatan natin ito sa pagsasalita at pamamahayag.
Nagsalita si Sol Pajadura, ang Chairperson ng Migrante Canada sa Global Online Rally na dinaluhan ng mga kinatawan ng mga kasaping organisasyon ng Migrante International noong Mayo 12 at pinanood ng daang mga migrante sa FB. Sa mga hindi nakakaalam, ang Migrante International ang pinakamalaking organisasyon ng mga migranteng Pilipino sa labas ng bansa. Diretso ang salita ni kasamang Sol.
“Ayon sa datos ng Statistics Canada sa taong 2015 hanggang 2019, may tinatayang 60,000 hanggang 70,000 manggagawang Pilipino sa ilalim ng Temporary Foreign Worker Program. Hindi kasama sa bilang na ito ang mga undocumented workers. Karamihan ay nagtatrabaho bilang caregiver, domestic worker, farm worker, mushroom picker, restaurant worker, cleaner, meat & fish processing worker.
“Sila ang mga nagtatrabaho sa marumi, mahirap at delikadong gawain na ayaw gawin ng mga Canadian. Tinitiis ang mawalay sa kanilang mga pamilya, ang pang-aapi, at diskriminasyon sa lugar ng kanilang mga trabaho. Tumatanggap ng sahod na mas mababa kompara sa kanilang Canadian counterpart. Nagtatrabaho ng mahabang oras at kadalasan ay walang overtime pay. Dahil nakatali sa employer ang kanilang mga work permit, takot sila na magreklamo dahil baka mapaalis sila sa trabaho at mawalan ng immigration status. Hindi nila kayang mawalan ng trabaho dahil sa kanilang kita nakaasa ang kani-kanilang pamilya sa Pilipinas. Karamihan sa kanila ay minimum wage earner. Ang kinikita nila ay tamang-tama lang na pupunta sa renta ng bahay, government taxes, utilities, bayad sa utang at remittance sa Pilipinas. Nabubuhay silang “pay cheque to pay cheque”. Kung kayat napakasaklap itong kasalukuyang pagpataw at dagdag na pasanin na Mandatory PhilHealth Premium hike ng Rehimeng Duterte….
“Dagdag pa, itinaon ito sa panahon kung saan marami sa kanila ang nawalan ng trabaho dahil sa COVID 19. Karamihan ay umaasa sa financial assistance ng gobyerno ng Canada o magtrabaho ng ilang oras para lang kumita. Hindi na nga sila makapagpadala ng remittance dahil konti ang kanilang kinikita. Ang one-time na tulong na CAD$277 galing sa DOLE AKAP ay tama lang para sa isang linggong groceries. Maliban diyan wala ng tulong na ginawa ang Philippine Embassy sa mga kababayan natin.
“Ang PhilHealth ay walang pakinabang na maibibigay sa mga migranteng Pilipino dito sa Canada dahil covered sila ng mga provincial health program kung saang probinsya man sila nagtatrabaho. Ang pagtaas ng Philhealth premium ay klarong panggagatas lamang ng Rehimeng Duterte. Milyon-milyong remittance at bayarin na ang hinuhuthot ng gobyerno sa mga OFW bago makalabas ng bansa.
“Hindi COVID 19 virus ang papatay sa mga migranteng Pilipino kundi ang kahirapan at patong-patong na kaltas sa kanilang kinikita. Ayaw namin na mapupunta lang sa kurapsyon ang perang kinita namin. Kinita na pinagbuhusan namin ng pagod at hirap na mawalay sa pamilya. Kaya kami sa Migrante Canada ay nananawagan na itigil ang koleksyon ng madatory Philhealth premium increase!
At nagtapos si Sol sa mga panawagan na palagay ko ay trending na ngayon: Scrap Mandatory Philhealth Hike! Proteksyon hindi Koleksyon! Tulong hindi kotong! Serbisyo hindi negosyo! (E. Maestro)
###