Site icon Philippine Asian News Today | FILIPINO Canada News Vancouver

Ang predictable na mga pagtaas sa minimum wage ay magsusuporta sa workers at mga pamilya

VICTORIA – Sa Hunyo 1, 2022, ang workers sa B.C. na may pinakamababang suweldo ay makakakuha ng pay boost; ang general minimum wage na $15.20 bawat oras ay tataas at magiging $15.65.

Tinutupad ng Province ang pangako nito noong 2020 na itaas at gawing $15 bawat oras ang minimum wage sa pamamagitan ng masusukat at predictable na pagtaas, at itatali nito ang mga pagtaas sa suweldo sa darating na panahon sa rate of inflation. Ang minimum wage sa B.C. ay kasalukuyan na ngayong pinakamataas sa lahat ng provinces sa Canada.

“Ang B.C. ay dating may isa sa pinakamababang minimum wages sa bansa bago noong 2017, bagamat ito ay isa sa pinakamahal na lugar na titirahan,” sabi ni Harry Bains, ang Minister of Labour. “Ayaw naming maiwan ang aming workers na tumatanggap ng pinakamababang suweldo. Ang mga pagtaas ng minimum wage na nakatali sa inflation ay bahagi ng aming plano na magtatag ng ekonomiyang gumagana para sa lahat.”

Nangangako ang Pamahalaan na gawing mas abot-kaya ang buhay, at ipinapakita ng StrongerBC plan ang daan patungo rito. Sa nakaraang limang taon, ang general minimum wage sa B.C. ay tumaas mula $11.35 at naging $15.65 bawat oras. Ang mga pagtaas ay nagbenepisyo sa halos 400,000 British Columbians sa mga taóng iyon; ang karamihan sa kanila ay mga kababaihan, imigrante, at kabataan.

Ang darating na pagtaas ng minimum wage upang maging $15.65 bawat oras ay ang unang pagtaas na nakatali sa karaniwang inflation rate bawat taon sa British Columbia. Ang rate sa taóng ito ay 2.8% at ito’y kinalkula mula Enero 1 hanggang Disyembre 31, 2021. Ito’y alinsunod sa ginawa sa ibang mga hurisdiksyon kung saan ang minimum wage ay nakatali sa inflation.

Simula Hunyo 1, may pagtaas na 2.8% ang aaplay rin sa live-in camp leader at live-in home support worker minimum daily wages, at sa resident caretaker minimum monthly wage.

At simula Enero 1, 2023, may pagtaas na 2.8% ang aaplay sa minimum piece rates para sa hand harvesting ng 15 takdang crops sa agricultural sector; kabilang dito ang peaches, apricots, Brussels sprouts, daffodils, mushrooms, apples, beans, blueberries, cherries, grapes, pears, peas, prune plums, raspberries, at strawberries.

Mga quote:

Philip Aguirre, may-ari ng Old Surrey Restaurant, Surrey – “Bilang isang may-ari ng maliit na negosyo, nakikita ko ang mga positibong epekto ng pagkakaroon ng mainam na minimum wage, at lubos kong sinusuportahan ang mga makatwiran at predictable na pagtaas sa suweldo. Kapag nagbigay ng mga suweldo na tumutugon sa mga pangangailangan ng staff at na nagrerespeto sa kanilang kontribusyon sa negosyo, ang staff ko ay mas masaya, mas produktibo, at mas matagal na nananatili bilang empleyado.”

Agnes Estimo, matagal nang tagalinis sa Metropolis at Metrotown shopping mall, Burnaby –

“Ang mga pagtaas sa minimum wage sa mga nakaraang ilang taon ay nakagawa ng malaking pagkakaiba sa akin at sa aking pamilya. Lubos na minamahalaga ko ang mga napapanahong pagbabagong ito, dahil sa inflation na nangyayari, at dahil nadadama ko rin na ako’y minamahalaga at pinasasalamatan nila ang aking trabaho.” (BC Gov News)

Exit mobile version